This page contains information about dogs from Del-Rica Kennel
Tuesday, May 27, 2014
SUCCESS STORY with FRONTLINE and SEVIN
Ang istorya na mababasa nyo sa mga sumusunod na talata ay hango sa aming karanasan at resulta ng aming masusing pagsiyasat. Sana po ay makatulong sa inyong suliranin ang aming sinulat dito.
Maraming mga produkto na puedeng gamitin upang mawala ang mga kuto at garapata ng mga aso. Pero sa haba ng panahon ng aming pagsisiyasat nakita namin na epektibong gamitin ang FRONTLINE at SEVIN.
Noon, suliranin din namin ang napakaraming kuto at garapata ng aming mga aso. Hindi lang sa kanilang katawan namin nakikita ito kundi kumakalat din sa iba't-ibang parte ng aming bahay, sa sahig, sa dingding, sa kisame, sa upuan, unan at kama. Ang hirap nilang mawala lahat kahit na araw-araw mo tanggalan ang mga alaga mo nito.
Nakakapagod na gawin ang pagtanggal nito. Nakakaawa din pagmasdan ang mga alaga mo na kamo't ng kamo't hanggang sa magsugat na ang balat nila.
Ang frontline (spot on) ay isang gamot para mawala ang garapata at kuto ng mga alaga natin. Ang paraan ng paglagay nito ay nakalagay sa etiketa ng kahon kinalalagyan nito. Ngunit ang wala sa etiketa ay kung paanu ito mas magiging epektibong gamitin.
Paano nga ba?
Una, bago mo gamitin ang Frontline, huwag mo muna paliguan ng limang (5) araw at pagka nalagyan mo na ang alaga mo ng Frontline antay ka ulit ng limang (5) araw bago mo paliguan.
Ang konsepto kasi ng Frontline ay, ang mga garapata ang naglilipat ng gamot sa mga kapwa nila kuto at garapata. Kadalasan, namamatay ang mga ito tatlong araw simula ng pagka kapit ng gamot sa katawan nila. Kailangan na limang araw para mas marami ang mapasahan ng gamot. Ang kagandahan sa konsepto na ito kahit ang mga nadadaanan nilang itlog ng kuto at garapata ay maaari din mamatay.
Nagtatagal ang proteksyon ng alaga mo pagka gumamit ka ng Frontline hanggang dalawang (2) buwan kung tama ang paraan na ginawa mo sa paggamit nito. Pero kung hindi, isang (1) buwan lang proteksyon ng mga alaga mo.
Ano naman ang SEVIN?
Ang Sevin ay may itsurang polbos na ginagamit din na pamatay sa kuto at garapata. Kadalasan din itong gamit ng mga nag-aalaga ng manok pamatay peste. Marami din ang gumagamit nito. Minsan, ginagamit nila habang nagpapaligo ng aso at yung iba naman ginagawang polbos ng aso pagkatapos paliguan.
Dahil sa hindi ko alam ang tapang na dala ng gamot na ito. HIndi ko ni minsan sinubukan na gamitin ito sa mga paraang ginagawa ng iba. Subali't ginamit ko ito sa ibang paraan na sa tingin namin ay magiging epektibo din.
Sa kadahilanan na kahit gumagamit kami ng Frontline hindi pa din naging ligtas ang mga alaga ko dahil yung mga kuto at garapata na nakikita natin sa iba't-ibang parte ng ating bahay ay hindi naaabot nito.
Dito namin ginamit ang Sevin. Hinalo namin ito sa panlinis namin ng sahig. Isang baldeng tubig, diswashing liquid at dalawang (2) kutsara ng Sevin. Ito ang ginagamit namin upang linisin ang buong bahay namin.(Paalala: Puede nyo din ihalo ang madalas nyong ginagamit na panlinis sa sahig sa SEVIN). Pagkatapos nyo po malinis ang buong bahay. Maaari nyo rin pong ibuhos ang pinaglinisan sa tapat ng inyong bahay upang kung meron po kayong mga kaibigan na aspin sa kapitbahay ay hindi po makakapasok ang mga kuto at garapata nila sa inyong bahay.
Simula po ng ganito ang ginawa ko sampung (10) buwan na po na walang kuto at garapata ang mga alaga ko. At pati sa parte ng bahay namin ay wala na kaming nakikitang pakalat-kalat na peste.
Binabahagi ko po sa inyo ito upang makatulong po ako sa mga tao na may problema sa kuto at garapata. At sa kadahilanan na ayaw ko na din po na makakita sa Facebook na namamatay dahil sa sakit na nakukuha sa garapata. Alam ko din po ang pakiramdam ng nawalan ng alaga. Masakit tanggapin lalo na may paraan naman para maprotektahan sila.
Sa ganitong paraan mababahagi ko sa nakakaraming may alaga ng aso ang ginhawa na walang kuto at garapata sa inyong tahanan.
Sa mga makakabasa po maaari nyo din po itong ibahagi sa ibang kakilala nyo na may alagang aso.
Hangad ko po ang inyong tagumpay sa pagpuksa sa kuto at garapata
Please like Del-Rica Kennel fan page if you see this article useful. Thank you and have a blessed day!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment